Sa Pagitan Natin ni Mark Angeles

Habang nakalambong sa atin ang dilim
tinanong mo ako, ang ako sa loob ko
kung bakit kumakampay ang mga dahon
kung bakit umiiyak ang mga bato
kung bakit matamis ang halik
kung bakit mainit ang aking mga yakap
kung bakit nasumpungan mong nakatali
ang iyong mga kamay sa aking mga kamay
kung bakit nangyayari ang mga pangyayari
at nagaganap ang kaganapan ng mga bagay
batay sa kanilang kahandaan, at hindi sa atin
kung bakit mapangahas ang madaling-araw
at kung bakit umulan ng ako ay umalis
Tinutop ng iyong mga daliri
ang mga hibla ng aking buhok,
ang aking mga kilay at pilikmata,
ang paligid ng aking mga labi
nagbabakasakaling makita mo ang sagot
sa lahat ng ito, mabasa sa hugis ng aking mukha
kung paano ko bitiwan ang aking takot
sa gabing katumbas ng isang libong gabi
na ikaw ang kaharap ko, at hindi sila
at ako ang kaharap mo, hindi isa man sa kanila.
Nagaganap ang kaganapan ng mga bagay
batay sa kanilang kahandaan
katulad nito, nagsasayaw man ang laksang
abo ng pagkalito sa ibabaw ng ating balikat
at nakikiusap ang iyong isip sa iyong puso
upang hindi mabuksan ang mga nakapinid
upang hindi mabaklas ang mga itinayong pader
gayong nakikita natin ang isa’t isa
lagus-lagusan, sa pinag-isang kaluluwa.
Sinasabi ko sa iyo ngayon
na malalaman mo ang sagot kapag ikaw ay umibig.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: